Protektahan ang inyong kalusugan laban sa diabetes

 

Ayon sa ulat ng World Health Organization (WHO), halos 422 milyon katao o isa sa 11 katao sa mundo ang may diabetes. Humigit-kumulang 33,000 Pilipino edad 30 pataas naman ang namamatay dahil sa sakit na ito ayon sa diabetes country profiles ng WHO.

Ang pagkakaroon ng diabetes ay nagiging sanhi ng iba’t ibang problema sa kalusugan. Maliban sa pagkakaroon ng sakit sa puso at bato, maaari ring mabulag at maputulan ng binti ang taong may diabetes.

May isa sa dalawang katao naman ang hindi nakakaalam na mayroon silang diabetes, ayon sa International Diabetes Federation. Dahil dito, posibleng mayroon na silang komplikasyon sa oras na matuklasan ang sakit.

Ang pangangalaga at regular na pagsusuri sa kalusugan ang ilan sa mga pangunahing mensahe ng World Diabetes Day na ipinagdiriwang tuwing ika-14 ng Nobyembre. Kung agad matutuklasan o masusuri ang sakit, maaari itong mabigyan ng agarang lunas upang maiwasan ang mga komplikasyon o ang paglala nito.

Mas maraming kaso ng ‘type 2’ diabetes

Karamihan sa mga kaso ng diabetes ay type 2 diabetes dulot ng hindi tamang pagproseso ng katawan sa insulin —isang uri ng hormone na pumipigil sa pagtaas ng blood sugar. Ang labis na katabaan at kakulangan sa ehersisyo ay mga pangunahing sanhi ng sakit na ito.

Ang kakulangan ng insulin sa katawan naman ang sanhi ng type 1 diabetes. Ang mga pasyenteng may ganitong sakit ay nangangailangan ng insulin injection araw-araw.

Pangangalaga sa kalusugan

Ang tamang pangangalaga sa sarili ang susi sa pag-iwas ng diabetes at ng mga komplikasyon nito. Upang maiwasan ang pagtaas ng blood sugar, kailangang bawasan ang pagkain ng mga maaalat at matatamis na pagkain.

Mahalaga rin ang 20 hanggang 30 minutong ehersisyo araw-araw upang maiwasan ang pagkakaroon ng diabetes. Ang pagtigil ng paninigarilyo at pag-inom ng alak ay makakatulong din upang maiwasan ang diabetes.

Para sa karagdagang kaalaman ukol sa diabetes, magtanong lamang sa inyong doktor o magtungo sa pinakamalapit na health center.